Paghihigpit ng pagpapatupad ng quarantine pass, ipinag-utos ng Lokal na Pamahalaan ng Las Piñas

Inatasan ni Las Piñas City Mayor Mel Aguilar ang mga barangay chairman na higpitan pa ang kanilang pagpapatupad ng quarantine pass sa kanilang nasasakupan.

Ito’y upang hindi na maulit ang pagsasamantala ng ilang indibidwal ngayong panahon ng krisis dulot ng Coronavirus Disease 2019 o COVID-19.

Nabatid kasi na naaresto ng Las Piñas Police ang dalawang katao na nagbebenta ng pekeng quarantine pass sa halagang ₱20. 00 sa ilang residente sa lungsod.


Nakilala ang mga suspek na sina Marcelina Cayanan, isang negosyante, at tauhan nito na si Santiago Capon na kapwa residente ng Barangay CAA sa Las Piñas.

Mismong ang alkalde na ang nag-utos na agad na kasuhan ang dalawa upang hindi na pamarisan pa.

Paglilinaw naman ng alkalde na ang quarantine pass na inisyu ng bawat barangay ay libre, mayroong dry seal, pirma ng punong barangay at control number.

Pinaalalahanan din ng Lokal na Pamahalaan ang mga residente sa siyudad na maging vigilante o mapanuri at agad na i-report sa pulisya sa numerong 02-8551-6401 ang anumang mapapansing kahina-hinalang bagay o kilos ng indibiduwal o grupo ng tao.

Facebook Comments