Paghihigpit sa employers mula sa mga bansang may mataas na kaso ng pang-aabuso, hiniling ng isang senador

Pinaglalatag agad ni Senate Committee on Migrant Workers Chairman Raffy Tulfo ang Department of Migrant Workers (DMW) ng ‘government to government arrangement’ sa mga bansang may mataas na kaso ng pang-aabuso sa mga OFWs.

Sa organizational meeting ng komite, binanggit ni Tulfo ang kaso na kanyang hinawakan noon kung saan dalawang OFW ang nakaranas ng parehong pang-aabuso at pangmamaltrato sa parehong employer sa bansang Kuwait.

Bukod pa ang mga OFW na ito sa iba pang mga lahi na nakaranas din ng pang-aabuso sa parehong employer.


Giit ni Tulfo, kung mahigpit sa pagdedeploy ng mga OFW na hinihingian ng katakot-takot na dokumento at clearances bago makaalis ng bansa ay dapat mayroon ding sistema ang DMW na titiyak na maayos ang ‘character’ ng mga employers sa abroad para mapaigting ang proteksyon sa mga OFW.

Tugon naman ni Migrant Workers Secretary Susan “Toots” Ople, mayroong 40 na bilateral labor agreements ang bansa at ‘government to government arrangements’ sa pitong bansa – ang China, Germany, Israel, Japan, South Korea, Taiwan at Canada.

Pero puna ni Tulfo, ang mga nasabing bansa ay wala namang naitatalang kaso ng pang-aabuso sa mga OFW kaya kung maaari ay magkaroon din ng ‘government to government arrangement’ sa mga bansang malala ang kaso ng pangmamaltrato sa mga Pilipino tulad ng Kuwait at ilan pang bansa sa Middle East.

Sinabi naman ni Ople na mayroon pang aktibong foreign recruitment agency ang mga bansa sa Gitnang Silangan na siya namang ginagabayan at sinusuportahan ng kanilang mga gobyerno.

Facebook Comments