Nagbigay ng direktiba si Philippine National Police (PNP) Chief PGen. Benjamin Acorda Jr., na maghigpit sa pagpapatupad ng batas laban sa iligal na pagbebenta ng uniporme ng pulis.
Ito’y kasunod ng insidente ng panloloob sa isang pawnshop sa Koronadal City kung saan dalawa sa mga suspek ay may suot na PNP athletic shirt.
Pinasusuri na rin ni Acorda kung mayroong PNP certificate of conformity ang mga tindahan at mananahi na nagpapahintulot sa mga ito na magbenta ng PNP uniforms at iba pang gamit ng pulis.
Babala ni Acorda, posibleng makulong nang hanggang anim na taon ang mga sibilyang mahuhuling nagsusuot ng uniporme ng PNP alinsunod sa Article 179 ng Revised Penal Code.
Bukod pa ang kasong kahaharapin kung gagamitin naman ito sa paggawa ng krimen.