Pagsuporta ni FPRRD sa economic Cha-cha, pinasalamatan ng mga lider ng Kamara

Welcome para sa mga lider ng House of Representatives ang pagsuporta ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na amyendahan ang mga restrictive economic provisions 1987 Constitution.

Ayon kay Taguig 2nd District Rep. Amparo Maria Zamora, ang suporta ni PRRD ay umaayon sa layunin ng mga nauna at kasalukuyang 19th Congress kaugnay sa Charter change (Cha-cha).

Natuwa naman si Isabela 6th District Rep. Faustino “Inno” Dy na ang pahayag ng suporta ng dating pangulo ay sumabay pa sa pagsisimula ngayong araw ng pagdinig ng House Committee of the Whole ukol sa Resolution of Both Houses Number 7.


Umaasa naman si Deputy Speaker at 2nd District Rep. David “Jay-jay” Suarez na bukod kay dating Pangulong Duterte ay magbabago na rin ng sentemyento para pumabor sa economic Cha-cha ang kanyang supporters.

Sabi naman ni Rizal 4th District Rep. Fidel Nograles, mainam na kaisa na ngayon si Duterte sa hangad ng mabusisi ang Saligang Batas para maging daan sa pagpapalawak ng mga pamumuhunan sa bansa para sa kapakanan ng mga manggagawa.

Facebook Comments