Inaprubahan na ng Inter-Agency Task Force (IATF) ang mga rekomendasyon ng Department of Health (DOH) na palakasin ang pagpapatupad sa minimum public health protocols gaya ng paggamit ng face mask, face shield, paghuhugas ng kamay, at social distancing.
Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, kinakailangan din na ipagpatuloy ang pagbibigay ng tamang impormasyon ukol sa COVID-19.
Para sa mga establisyemento, kinakailangan ang pagpapatupad ng mga risk mitigation, strategies, engineering controls, ventilation at contact tracing para makatulong sa pagkontrol ng COVID-19.
Sa mga Local Government Units (LGUs) naman ay kinakailangang ipatupad ang COVID-19 Coordinated Operations to Defeat Epidemic or CODE sa pamamagitan ng pinalakas na mobilisasyon ng barangay health emergency response team.
Sinabi pa ni Roque na kasama rin sa CODE ang pagmo-monitor sa mga work places at iba pang closed settings tungkol sa kanilang case data at pagsunod sa minimum public health standards.
Pinatitiyak din ang tamang hand over sa LGUs ng mga returning overseas Filipinos at mga papasok na mga international travelers para masiguro ang pagsunod at makumpleto ang quarantine o isolation.
Maliban dito, pinayagan din ng IATF ang rekomendasyon na payagan ang Subic Bay Metropolitan Authority (SBMA) na muling tumanggap ng lahat na klase ng vessels para sa hot-warm lay up bilang bahagi ng kanilang function na crew change hub.