Sinimulan na ng Manila Police District (MPD) ang naging kampaniya ng Philippine National Police (PNP) hinggil sa mga pagbabawal sa pagbebenta at paggamit ng paputok.
Kaugnay nito, nag-ikot sa paligid ng Divisoria ang mga tauhan ng MPD Station-2 upang masiguro na walang nagbebenta ng mga iligal na paputok.
Paraan din ito para masiguro na magiging ligtas at payapa ang pagdiriwang ng Pasko ay Bagong Taon.
Bukod dito, nag-deploy ang MPD Station-2 ng mga tauhan na pawang mga naka-civilian upang mas madaling matukoy at mahuli ang mga magpupumilit na magbenta ng iligal na paputok.
Ang iba naman nilang tauhan ay patuloy sa pagbabantay at pagpapa-alala sa mga mamimili na sumunod sa pinapairal na health protocols kontra COVID-19.
Nabatid na sa pagpasok ng ikalawang linggo ng Disyembre ay unti-unti ng dumadagsa ang publiko sa Divisoria kung kaya’t nagpapa-alala muli ang lokal na pamahalaan ng Maynila na mag-doble ingat upang huwag mahawaan ng COVID-19.