Kasama pa rin sa options na irerekomenda ng Senado sa kanilang aaprubahang resolusyon mamaya ang paghimok sa gobyerno na idulog sa United Nations General Assembly (UNGA) ang patuloy na pangha-harass at panghihimasok ng China sa ating teritoryo.
Ito ay kahit pa may naunang pahayag na si Pangulong Bongbong Marcos na pagdating sa usapin ng foreign policy ay ehekutibo ang nagtatakda nito at hindi ang lehislatura.
Ayon kay Senator Risa Hontiveros, nakapaloob sa pinagsanib na resolusyon nila ni Senate President Juan Miguel Zubiri patungkol sa isyu ng West Philippine Sea ang apat na options na maaaring gamitin ng pamahalaan sa pamamagitan ng Department of Foreign Affairs (DFA) para igiit ang soberanya at karapatan ng bansa sa ating mga teritoryo sa loob ng exclusive economic zone.
Kabilang sa mga options na ito ang patuloy na paghahain ng diplomatic protest sa tuwing may gagawing agresibong aksyon o panghihimasok ang China sa ating teritoryo at sa mga mangingisda gayundin ang ‘explicitly’ na paghahayag ni Pangulong Marcos ng kanyang posisyon sa West Philippine Sea na hindi masyadong nabanggit sa kanyang State of the Nation Address (SONA).
Dagdag pa rito ang paggiit ng Pangulo sa ruling ng Permanent Court of Arbitration sa The Hague na pumapabor sa bansa at ang paghahain ng resolusyon ng gobyerno sa pamamagitan ng DFA na sumisita sa China para matigil na ang kanilang harassment at panghihimasok sa WPS at ang posible ring pagdulog sa iba pang formations tulad ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN).
Sa briefing kahapon sa Senado kasama ang mga kinatawan ng ehekutibo kabilang ang DFA, National Task Force on the West Philippine Sea at Armed Forces of the Philippines ay inilatag ng mga senador ang mga hakbang na ito na bahagi lang ng partial list ng mga aksyon na pwedeng gawin ng gobyerno laban sa China.
Kumpyansa si Hontiveros na ngayong sesyon ay aaaprubahan ng Senado ang resolusyon para ihayag ang ‘sense’ ng Senado na udyukin ang pamahalaan na gawin ang iba’t ibang pamamaraan para ilaban ang ating soberenya sa WPS sa iba’t ibang pandaigdigang larangan.