Pinaiimbestigahan ni Deputy Speaker Rufus Rodriguez sa Mababang Kapulungan ang umano’y paghingi ng Calbayog City Police sa korte ng listahan ng mga abogado na kumakatawan sa mga pinaghihinalaang komunista.
Katuwiran ni Rodriguez na dating Law Dean at abogado, maling-mali, nakaaalarma at malinaw na paglabag sa constitutional duty ng mga abogado na magbigay ng legal service sa sinumang nangangailangan ang request ng Calbayog Police.
Nais ni Rodriguez na silipin at alamin ng Kamara kung sino ang nag-atas kay Lt. Fernando Calabria Jr. at kung ano ang dahilan para gawin ang paghingi ng listahan sa mga abogado na kumakatawan sa mga kabilang sa communist terrorist group.
Pinasisiyasat din sa Kamara kung mayroon pang kaparehong request sa iba pang korte mula sa iba pang PNP offices.
Positibo naman ang pagtanggap ng mambabatas sa hakbang ni PNP OIC Lt. Gen. Guillermo Eleazar na i-relieve sa puwesto si Calabria dahil sa ginawang panghihimasok nito sa usapin ng korte.