Pinalagan ni Senator Leila de Lima ang paghingi ng Department of the Interior and Local Government o DILG sa mga barangay ng listahan ng mga hindi pa nababakunahan laban sa COVID-19.
Nangangamba si De Lima na ang nabanggit na impormasyon ay magamit ng mga otoridad sa pag-abuso.
Giit ni De Lima, ang naturang direktiba ng DILG sa mga barangay ay posibleng lumabag sa privacy rights at human rights ng mga hindi pa bakunado.
Dahil dito ay suportado ni De Lima ang panawagan ng Commission on Human Rights (CHR) na palaging isaalang-alang ang karapatang pantao sa paglalatag ng mga polisiya na may kaugnayan sa pagtugon sa pandemya.
Diin pa ni De Lima, sa patuloy na paglobo ng kaso ng COVID-19 sa bansa ay hindi kailangang humantong ang gobyerno sa pababanta at pagpapa-aresto sa mga hindi pa bakunado na lalabas sa kanilang tahanan.
Giit ni De Lima, tayo ngayon ay nakikipag-giyera sa isang kalaban na hindi natin matatalo sa pamamagitan ng karahasan.
Ayon kay De Lima, pagkakaisa ang kailangan para mapagtagumpayan natin ang pandemya.