Paghingi ng permiso ng mga dayuhang barko bago dumaan sa teritoryo ng Pilipinas, nasa desisyon ng Pangulo kung babawiin- DND

Ipapaubaya ng Department of National Defense kay Pangulong Rodrigo Duterte kung babawiin ang kanyang direktiba na humingi muna ng permiso ang mga dayuhang barko bago dumaan sa territoryo ng bansa.

Sinabi ito ni Defense Secretary Delfin Lorenzana makaraang talakayin ng Pangulong Duterte kay Chinese President Xi Jinping ang isyu ng pagdaan ng mga chinese warships ng walang paalam sa Sibutu at Balabac straits.

Ayon kay Lorenzana, napag-usapan kasi ng dalawang lider, ang pagtiyak ni Xi na walang masamang hangarin ang mga barkong pandigma ng China sa kanilang ginawang pagdaan.


Tinukoy pa raw ni Xi na hindi ni-rerequire ng international law ang mga dayuhang barko na humingi ng permiso kung dadaan sa teritoryo ng ibang bansa.

Matatandaang inireklamo ni Lorenzana sa Chinese ambassador ang pagdaan ng mga chinese warships sa karagatan ng bansa na walang abiso at nakapatay ang kanilang Automatic Identification System ng ilang ulit mula Pebrero hanggang nitong Agosto.

Kasabay rin nito ang utos ng Pangulo sa militar na sitahin ang mga barko dadaan sa teritoryo ng bansa sa isang “unfriendly manner” kung kakailanganin.

Facebook Comments