Nirerespeto ng Philippine National Police (PNP) ang karapatan ng mga pamilya ng mga namatay sa drug war ng gobyerno na idulog ang kanilang mga hinaing sa International Criminal Court (ICC).
Sinabi ito ni PNP Chief General Guillermo Eleazar makaraan ang ulat ng ICC registry na nagsasabing 94% ng mga biktima ng drug war ang pabor sa pagpasok ng ICC upang imbestigahan ang mga alegasyon ng crimes against humanity sa gitna ng drug war.
Ngunit, nanindigan si Eleazar na gumagana pa rin ang justice system sa bansa para sa mga nagnanais imbestigahan ang giyera kontra ilegal na droga.
Aniya, patunay nito ang pagpreso ng korte sa mga pumatay kay Kian delos Santos at ang iba pang mga hakbang na nagresulta sa pagkatanggal o pagkaparusa sa mga iba pang pulis na napatunayang gumawa ng pang-aabuso sa kampanya kontra droga.
Dagdag pa ni Eleazar, kasalukuyang iniimbestigahan ng Department of Justice (DOJ) ang mga patayan sa giyera kontra droga at nakikipagtulungan na rin ang pulisya sa mga local investigator habang naipadala na nila ang mga mahahalagang dokumento sa DOJ.
Sinabi ni PNP chief na walang polisiya ang PNP na pahintulutan o kunsintihin ang anumang pang-aabuso sa karapatang pantao sa kanilang mga operasyon.