Iginiit ni Senator Panfilo ‘Ping’ Lacson na may diplomatikong paraan sa paghingi ng tulong sa Amerika para makabili ng bakuna laban sa COVID-19.
Reaksyon ito ni Lacson sa pagbabanta ni Pangulong Rodrigo Duterte na hindi ire-renew ang Visiting Forces Agreement (VFA) kapag hindi nakapag-supply ang Amerika ng hindi bababa sa 20 milyong COVID-19 vaccine.
Ayon kay Lacson, pwedeng manghingi o makiusap ang Pilipinas sa Amerika na matagal na nating kaalyado sa maayos na pamamaraan upang makakuha na ng bakuna para sa kaligtasan ng ating mga mamamayan.
Dagdag pa ni Lacson, ang tila pagbabanta o pag-blackmail sa US ay baka lalong maging daan para bumagsak tayo sa pagbili ng bakuna mula sa Chinese pharmaceutical company.
Ipinaalala pa ni Lacson na makakakuha na sana ang Pilipinas ng 10 milyong COVID-19 vaccine mula sa Pfizer pero napurnada dahil umano sa kabiguan ni Health Secretary Francisco Duque III na maisumite ang kinakailangang dokumento.