Nagbabala si Solicitor General Jose Calida na malapit na ang paghuhukom sa ABS-CBN.
Sa pagharap ni Calida sa virtual joint hearing ng Committees on Legislative Franchises at Good Government and Public Accountability, matapang nitong sinabi na malapit na ang katapusan ng pagiging ganid ng ABS-CBN sa kapangyarihan at impluwensya.
Wala aniyang paraan na papayag ang kanyang tanggapan na makabalik sa operasyon ang ABS-CBN Corp. matapos ang maraming paglabag nito sa Konstitusyon at sa naunang prangkisa nito.
Tiniyak ni Calida na determinado siyang hukayin at alamin ang mga illegal practices ng network.
Iginiit muli ni Calida ang mga paglabag umano ng network tulad ng pagpapagamit ng ABS-CBN Corp. ng legislative franchise nito sa hiwalay na entity na ABS-CBN Convergence na wala man lamang pahintulot ng Kongreso at pag-iisyu ng Philippine Deposit Receipts o PDRs sa mga dayuhan.
Nanindigan din ang SolGen na hindi titigil ang kanyang tanggapan sa laban kontra sa ABS-CBN tulad sa mga kaso laban sa napatalsik na si dating Chief Justice Maria Lourdes Sereno at Senator Leila de Lima.