Paghuli sa mga walang suot na facemask sa loob ng sasakyan, pinangangambahang mauuwi lamang sa pangingikil ng ilang traffic enforcers

Nababahala si Muntinlupa Rep. Ruffy Biazon na posibleng malantad lang sa katiwalian ang parusa sa mga motoristang mahuhuling walang suot na facemask sa loob ng sasakyan.

Sa pagdinig ng House Committee on Transportation, ipinunto ni Biazon kung bakit “reckless driving” ang penalty sa mga motoristang mahuhuling walang mask sa loob ng sasakyan.

Paliwanag ni Biazon, ang “reckless driving” ay tumutukoy sa kung paano ino-operate o minamaneho ng isang driver ang sasakyan at hindi ito applicable sa hindi pagsusuot ng facemask sa loob ng sasakyan.


Katwiran naman dito ni LTO Associate Secretary Edgar Galvante, kaya “reckless driving” ang penalty sa mga hindi magsusuot ng facemask sa loob ng sasakyan ay dahil nailalagay umano sa alanganin ang kapakanan at kalusugan ng mga pasahero.

Pero hindi ito sinang-ayunan ng kongresista lalo pa’t magiging oportunidad ito sa pangongotong ng mga traffic enforcers.

Umapela naman si Nueva Ecija Rep. Micaela Violago na sa halip na “reckless driving” ay sabihan na lamang o magbigay babala sa mga motorista na walang suot na facemask sa loob ng sasakyan.

Dagdag ni Biazon, sapat na sigurong parusa ang abala na malilikha sa mga motoristang patatabihin ang mga sasakyan para lamang sitahin sa hindi pagsusuot ng facemask.

Sa ilalim ng IATF rules, kapag dalawa o higit pa ang sakay sa sasakyan ay kailangang nakasuot ng facemask.

Facebook Comments