Manila, Philippines – Ikinabahala ni Senator JV Ejercito ang tumitinding kaso ng pagpatay sa mga operasyon ng pulisya kaugnay sa war on drugs ng Duterte administration.
Pahayag ito ni Ejercito, kasunod ng mataas na bilang ng mga naitatalang patay sa Oplan Galugad ng pulisya sa iba’t ibang lalawigan lalo na sa Metro Manila.
Hinala ni Ejercito, ang lumalalang patayan ay sinasamantala ng mga tiwaling kasapi ng Philippine National Police bilang pag-abuso sa pagbibigay proteksyon sa kanila ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Pangunahing inihalimbawa ni Ejercito sa mga pulis na nananamantala sa pagkampi sa kanila ng Pangulo ay si Police Inspector Jovie Espenido.
Partikular na binatikos ni Ejercito ang banta ni Espinido sa mga narcopoliticians na sakop ng kanyang hurisdiksyon na mag-resign na lamang para humaba pa ang kanilang buhay at huwag matulad sa ilang miyembro ng pamilya Parojinog.
Giit ni Ejercito, ang nasabing asal ni Espinido ay nagpapakita ng pagiging arogante at sobrang pasikat.