Aminado ang Commission on Elections (COMELEC) na nalulungkot sila dahil naglipana na ang mga mukha ng mga politiko kahit hindi pa man opisyal na nagsisimula ang campaign season.
Ayon kay Comelec Chairman George Erwin Garcia, sa kabila nito ay wala naman daw silang magawa lalo’t hindi ito saklaw sa kasalukuyang election law.
Sa ilalim aniya ng batas, walang tinatawag na premature campaigning batay na rin sa desisyon ng Korte Suprema na hindi pa sila kandidato kahit naghain na ng certificate of candidacy (COC).
Ikokonsidera lamang ang mga ito na kandidato pagsapit ng February 12 sa national position habang March 28 pa para sa local positions.
Sa kabila niyan, pinayuhan pa rin ni Garcia ang mga politikong maagang umeepal na hinay-hinay lamang at huwag i-underestimate ang katalinuhan ng mga Pinoy.
Una nang nanawagan ang poll body sa mga aspirant na huwag samantalahin ang nalalapit na kapistahan ng Poong Jesus Nazareno para magpapansin sa mga botante na deboto.