Pinapasailalim sa review ni Basic Education Committee Chairman Senator Sherwin Gatchalian ang implementasyon ng dalawang batas na layong tiyakin ang maaasahang internet connection at ang patuloy na pagkatuto sa gitna ng emergency situation.
Ang dalawang batas na ito ay ang Free Internet Access in Public Places Act o Republic Act No. 10929 at Open Distance Learning Act o Republic No. 10650.
Inihain ni Gatchalian ang Senate Resolution 59 na layong alamin ang pagiging epektibo ng dalawang batas sa mga education institutions at learning centers.
Napuna ng mambabatas na naging problema ang pagpapatupad ng batas partikular na ng magkaroon ng pandemya na naging sanhi ng suspensyon ng mga klase at paglilipat sa distance learning.
Sa batas para sa Free Internet Access, sa target na 945 public schools na makabitan ng libreng public Wi-Fi, tanging dalawang porsyento lang ng mga pampublikong paaralan sa buong bansa ang nabigyan habang sa Open Distance Learning Act nasa sampu lang na higher education institutions ang nag-aalok ng distance education.