Pagiging independent sa paghawak sa Blue Ribbon Committee, tiniyak ni Senator Tolentino

Bagama’t kaalyado siya ni Pangulong Rodrigo Duterte at sumuporta kay President-elect Ferdinand Bongbong Marcos Jr., ay tiniyak ni Senator Francis Tolentino na magiging independent siya sa paghawak sa Senate Blue Ribbon Committee.

Diin ni Tolentino, ang kanyang track record ang makapagpapatunay ng kanyang pagiging independent.

Ang Blue Ribbon Committee ang nag-iimbestiga sa mga isyu ng katiwalian sa pamahalaan.


Binanggit ni Tolentino na isa sa maaring una nitong imbestigahan ay ang sinasabing 843.9 billion pesos na lugi o net loss ng Social Security System o SSS.

Samantala, sinigurado rin ni Tolentino na hindi ita-trato na parang kriminal ang mga ipapatawag ng Blue Ribbon Committee sa mga gagawin nitong pagdinig.

Paliwanag ni Tolentino, ang mga isinasalang sa imbestigasyon ng Senado ay may karapatan din na dapat nilang kilalanin habang tinitiyak na mapapanagot sila kung lalabas na nagkasala.

Sa kanyang nakatakdang pagiging chairman ng Blue Ribbon Committee ay liliwanagin ni Tolentino sa mga kasamahang senador na klaro sa kanilang patakaran na ang kanilang mga pagdinig ay in aid of legislation o para sa paggawa o pagrepaso ng mga batas.

Facebook Comments