Pagiging Isang Matalinong Mamimili, Ibinahagi ng DTI Isabela

Cauayan City, Isabela- Muling nagpaalala ang Department of Trade and Industry (DTI) Isabela sa lahat ng mga mamimili ngayong panahon ng COVID-19 pandemic lalo na sa mga taong tumatangkilik sa online shopping.

Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay Ginoong Elmer Agorto, Senior Trade Specialist ng DTI Isabela, kinakailangan aniya na maging isang matalinong mamimili lalo sa panahon ngayon na may pandemya upang hindi maloko at hindi mabiktima ng scam online.

Batid aniya nito na maraming consumer ang nadadaya at nabibiktima lalo na sa online ngayong may COVID-19 pandemic na dapat ay maiwasan at maaksyunan.


Para hindi maloko, dapat maging isang mapanuring mamimili na bago bilhin ang isang produkto ay suriin muna ang lahat ng bahagi nito upang matiyak na walang sira o gumagana at tingnan rin kung pasado sa standard ng DTI.

Alamin kung legit ang nagtitinda at pinagbibilhang kumpanya; umiwas sa mga seller na may patakarang ‘non-refundable’ at pag-isipang mabuti ang gagawing desisyon bago bumili.

Kung maaari ani Agorto, buksan at tingnan muna ang idineliver na item kung kumpleto o walang depekto bago kunin at bayaran.

Huwag din aniyang nagpapadaya sa presyo na dapat ay ugaliin ang pagca-canvass o tumingin ng alternatibo na naaayon sa budget.

Kasama rin sa pagiging isang mapanuri ang hindi basta-basta pagtitiwala sa mga produktong ginagamitan ng mga kilalang personalidad o endorser dahil ilan ani Ginoong Agorto sa mga ito ay hindi totoo o ginamit lamang para makapanghikayat ng maraming mamimili.

Ayon pa kay Ginoong Agorto, mahalaga sa isang consumer na alam ang karapatan bilang isang mamimili upang hindi madaya at mabiktima ng panloloko.

Bukas naman aniya ang tanggapan ng nasabing ahensya para sa mga nais magreklamo o dumulog basta’t tiyakin na mayroong dalang sapat na ebidensya.

Facebook Comments