Pagiging kalmado at propesyunal ng mga crew ng PCG, pinuri ng DFA matapos ang panibagong insidente sa Bajo de Masinloc

Pinuri ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang pagiging kalmado, propesyunal at world-class seamanship ng mga crew ng Philippine Coast Guard (PCG).

Ito’y matapos ipakita na hindi sila natitinag sa pagpapatupad ng karapatan at pag-aari ng Pilipinas sa lahat ng maritime zones nito.

Ayon sa DFA, kahit pa ganoon ang ginawa ng China Coast Guard (CCG) ay hindi nag-atubili ang Pilipinas na mag-alok ng medical aid at iba pang kaugnay na suporta sa panig ng China kabilang ang paghatak sa nasirang barko ng CCG para tiyakin ang kaligtasan sa paglalayag ng iba pang mga barko.

Ang nangyaring insidente rin umano ay nagpapakita ng kahalagahan sa pagtalima sa International Maritime rules gaya ng “1972 International Regulations for Preventing Collisions” at “Sea gayundin ng 1974 Safety of Life at Sea Convention.”

Una nang kinondena ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang ginawang “dangerous manuever” ng mga barko ng Chinese Navy at Coast Guard na iligal na humarang sa humanitarian operation ng mga barko ng Pilipinas para sa mga mangingisdang Pilipino.

Tiniyak naman ng ahensiya na ipagpapatuloy ng bansa ang paggiit at pagprotekta sa ating soberaniya at hurisdiksiyon alinsunod sa international law.

Naganap ang insidente nitong Lunes sa karagatang sakop ng Scarborough Shoal, kung saan matagumpay na naiwasan ng BRP Suluan ang water cannon mula sa CCG-3104 na nagresulta sa banggaan ng barko ng CCG at isang warship ng People’s Liberation Army ng China.

Facebook Comments