Tatlong rason ang nakikita ng Department of Health (DOH) kung bakit nananatiling mababa ang bilang ng mga nagpapaturok ng booster dose sa bansa.
Ayon kay Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, batay sa bago nilang survey, nangunguna sa mga dahilan ng mababang booster vaccination ang paniniwala ng mga tao na sapat na sa kanila ang primary series.
Nasusugan pa aniya ito ng pagbaba ng kaso ng COVID-19 noong Marso hanggang unang linggo ng Hunyo.
Marami rin sa mga sumagot sa survey ang nagsabing hindi naman kailangan sa trabaho ang booster dose.
“People became, parang confident already with these first two doses and did not see any reasons for them to get booster,” ani Vergeire sa interview ng DZXL558 RMN Manila.
“Ang pangalawa po sa nakita natin, marami po do’n sa sumagot sinasabi hindi naman daw kasi kailangan sa trabaho, hindi kailangan para pumunta sa mga public spaces ang booster shot so hindi po nila nakikitya yung need for them para magpa-booster shot,” aniya pa.
Habang ang iba, natatakot pa rin sa side effects ng bakuna.
“Gusto ko lang po ipaliwanag sa ating mga kababayan na up until now, with almost 71 million na nabakunahan, less than 1% pa rin po ang adverse events na nangyayari sa ating bansa,” paliwanag ng opisyal.
“So kailangan lang pong bigyan ng kumpiyansa ang ating mga bakuna na ito’y ligtas at ito po ay makakaprotekta sa atin,” dagdag niya
Kaugnay nito, tiniyak ni Vergeire na may mga ginagawa na silang hakbang upang muling mapalakas ang pagbabakuna sa bansa alinsunod na rin sa utos ni Pangulong Bongbong Marcos.
“Gusto nating suyurin po at makita lahat ng matatanda na hindi pa nabibigyan ng primary series at hindi pa nabo-booster, that’s one. Number two, of course, we’d like to improve our booster doses na binibigay sa ating mga kababayan. So lahat po ng mga target na ito, we will finalize. Definitely, ang atin pong direksyon is ma-improve ang pagbabakuna especially among the vulnerable population,” saad pa ni Vergeire.