Pagiging Matalinong Mamimili, Tinalakay ng DTI Isabela!

*Cauayan City, Isabela- *Pagiging alerto, mapagmasid, aktibo, at handang labanan ang mga maling gawain ng mga tindero at negosyante ang dapat na taglayin ng isang matalinong mamimili.

Ito ang inihayag ni ginoong Serafin Umukit, ng Trade and Industry Development Specialist-Isabela sa naging panayam ng RMN Cauayan na dapat sinusuring mabuti ang mga bagay na bibilhin at tinitignan din ang kalidad ng mga binibili.

Mahalaga rin umano sa mga mamimili na tignan ang presyo kung sapat sa budget at tignan din ang expiration date ng mga binibili lalo na sa mga pagkain.


Huwag din umanong magpadala sa mga ini-aanunsyong produkto ng mga sikat na personalidad bagkus ay suriin pa rin umano ang mga ito bago bilhin.

Ayon pa kay ginoong Umukit, karapatan din umano ng mga consumer ang humingi ng resibo sa mga biniling produkto subalit bawal na umano sa mga nagbebenta ang pulisiyang “No Return, No Exchange”.

Hindi na rin umano nila inaayunan ang mga vendors na nagbabarya ng kendi at dapat huwag rin umanong magpapadaya sa mga nagtitinda lalo na sa kanilang mga ginagamit na timbangan.

Mas mainam umano na magpatimbang sa timbangan ng bayan upang malaman kung tama ang bigat o kilo ng mga binili dahil dumaan na umano ang mga ito sa calibration ng DTI.

Facebook Comments