Pagiging PMAer ni Ping, ‘di plinano

May mga pangyayari sa ating buhay na kahit hindi kabilang sa mga plano ay nagaganap para makarating tayo sa gusto nating makamit, tulad ng naging karanasan ni Partido Reporma chairman at standard-bearer Panfilo ‘Ping’ Lacson sa kanyang karera bilang lingkod-bayan.

Ibinunyag ng presidential candidate sa panayam ng batikang journalist na si Malou Mangahas na wala sa kanyang plano ang makapasok sa Philippine Military Academy (PMA) para makapagsilbi sa bayan dahil nagsimula lamang ito sa paghikayat sa kanya ng isang kaklase na nagpasama lamang para mag-apply na maging kadete.

Naitanong kay Lacson kung paanong mula sa kanyang ambisyon na maging abogado ay naliko siya sa pagiging sundalo at pulis. Aniya, ang pagiging abogado ang direksyon na kanyang pinili noon dahil sa pangarap niya na maging agent ng National Bureau of Investigation (NBI).


“Gusto kong maging abogado kasi gusto kong maging NBI agent. ‘Yon talaga ‘yung aking childhood na ambition,” ani Lacson.

Gayunman, hindi inakala ni Lacson na sa muli nilang pagkikita ng isang kaklase ay magbabago ang takbo ng buhay niya at mag-iiba ang kanyang mga plano.

“Pero, alam mo, ‘yung twist of fate minsan nangyayari sa atin kasi one morning, dinaanan ako ng isang high school classmate sa Imus dahil magkatabi ang aming eskwelahan. Nasa Lyceum ako of the Philippines; siya naman nasa Mapua. Ang examination center ng PMA at that time—this was in 1967 or 1966 at that time—sa Mapua. So, nagpasama siya sa akin, gusto niyang kumuha ng entrance examination,” lahad ni Lacson.

Kuwento ni Lacson, sabay silang kumuha ng pagsusulit ng kanyang kaklase pero sa huli ay siya lamang ang nakapasa. Ang nakalulungkot aniya ay nang muling magkrus ang landas nila ng dating kaklase na humikayat sa kanya upang makapasok sa military academy.

“Ang another twist of fate, after eight years nang nasa serbisyo na ako, nahuli ko pa siya sa isang kaso. I think murder yata ‘yung kaso, at nakulong siya sa aming tanggapan ng ilang araw, bago siya na-transfer ng custody,” wika ni Lacson.

Sa parehong panayam, sinariwa ni Lacson ang naging mahaba niyang karanasan bilang sundalo sa ilalim ng Armed Forces of the Philippines nang 20-taon at 10-taon bilang pulis hanggang maging hepe ng Philippine National Police (PNP).

Aniya, kabilang sa pinakamahalagang parte ng kanyang karera sa law enforcement ang pagiging pinuno niya ng PNP simula 1999 hanggang 2001 at nakamit niya ang pinakamataas popularity rating ng institusyon, bagay na hindi matapatan ng mga sumunod na namuno rito.

Dagdag dito ang pagiging commander niya ng Metropolitan District Command (Metrodiscom) mula 1989 hanggang 1992. Dahil sa pagmamahal at pasasalamat ng mga Cebuano sa kanyang serbisyo na nakilalang nag-solve sa mga kaso ng kidnapping sa lalawigan, iprinoklama si Lacson bilang adopted son ng Cebu.

“Well appreciated ng mga tao doon ‘yung aking ginagawa. ‘Yung hindi lamang sa accomplishment tungkol sa law enforcement, pati na rin ‘yung aking integridad naipakita ko roon. Kasi nga ‘pag nakaka-solve kami ng kidnap for ransom na kaso nag-o-offer ng reward, tinatanggihan ko at sinasabi ko lagi standard: we only did our duty, ani Lacson.

Hanggang sa kanyang pagsisilbi sa Senado, tangan ni Lacson ang integridad, katapatan, at katapangan sa paglaban sa mga tiwali sa lipunan.

Base sa karanasan niya bilang Chief PNP na sinugpo ang kotong cops at senador na nagsiwalat sa iba’t ibang mga anomalya sa pamahalaan, ipinangako ni Lacson na gagawin niya rin ang paglilinis sa mga magnanakaw sa gobyerno kung siya ang magiging susunod na pangulo, upang maging maayos ang buhay ng susunod pang henerasyon ng mga Pilipino.

Bilang presidential candidate, layunin ni Lacson na: “Aayusin ang gobyerno, aayusin ang buhay ng bawat Pilipino” at “Uubusin ang magnanakaw.”

Facebook Comments