Iginiit ni Defense Secretary Delfin Lorenzana na hindi paglabag sa Konstitusyon ang pagkaka-puwesto ni Southern Luzon Commander Lieutenant General Antonio Parlade bilang tagapagsalita ng National Task Force to End the Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC).
Ayon sa kalihim, hindi lang mga sibilyan ang dapat nakapwesto sa NTF-ELCAC dahil ang AFP at PNP ang pangunahing mga miyembro ng naturang grupo.
Paliwanag ni Lorenzana, ang mga sibilyang ahensya ng gobyerno na kasama sa NTF-ELCAC ay nagbibigay lang ng suporta sa kampanya laban sa kilusang komunista na pangunahing ipinatutupad ng AFP at PNP.
Kaya para sa kalihim kung tatanggalin si Gen. Parlade sa NTF-ELCAC ay parang tinanggal na rin ang AFP sa grupo.
Una nang inihayag ni Gen. Parlade na welcome sa kaniya ang rekomendasyon ng Senado na sibakin siya bilang tagapagsalita ng NTF-ELCAC, ngunit ang ehekutibo at hindi ang lehislatura aniya ang makapagtatanggal sa kanya sa puwesto.