Manila, Philippines – Duda si Undersecretary for Barangay Affairs Martin Diño na walang lokal na opisyal sa Metro Manila ang nasa narco list.
Matunog kasi na karamihan sa narco list na sumailalim sa validation ay nasa Mindanao at Visayas.
Napansin ni Diño na sa unang narco list ng mga barangay officials na involved sa droga, hindi napasama sa ibinunyag ang mga barangay sa NCR na talamak ang hulihan ng droga at mga drug personnel.
Nagtataka siya na walang mayor na binabangggit sa NCR gayong natuklasan ang mga drug laboratory at mga drug dens sa loob ng kanilang nasasakupan.
Gusto ni Diño na agad na makasuhan ang mga barangay captain at mayor na nagpapabaya sa operasyon ng droga sa kanilang lugar.
Sa ngayon ay mga listahan lamang ng mga hindi nagtatag ng Barangay Anti-Drug Abuse Council (BADAC) ang nasa pag-iingat ng DILG.
Nasa kamay naman aniya ng PDEA ang narco list.
Umaasa si Diño na maipalabas na bago ang eleksyon ang narco list para malaman ng mga botante kung sinu-sino sa kanilang mga lider ang kundi man protektor ay mismong may kaugnayan sa operasyon ng illegal drugs.