Santiago City – Pinabulaanan ni Santiago City Director Police Senior Superintendent Juan Aggasid ang umano’y pagiging isa sa top 5 crime cities ang lungsod ng Santiago sa bansa.
Sa kalatas na ibinahagi ni Police Senior Superintendent Agassid, sa katunayan umano ay bumaba na ang crime valume noong taong 2017 na mayroong 981na kaso ng krimen kumpara sa taong 2018 na umabot na lamang sa 893, kung saan ito ay nagpapatunay lamang umano na ginagampanan ng Santiago City Police Office ang kanilang tungkulin at responsibilidad upang mapababa ang crime volume ng nasabing lungsod.
Ito ay sa pamamagitan rin umano sa patuloy na pagsasagawa ng iba’t ibang proyekto, programa at aktibidad upang maibsan ang kriminalidad sa Santiago City.
Kabilang umano dito ang pagsasagawa ng anti-criminality checkpoint, mobile, motorcycle at foot patrol, oplan-bakal/sita, oplan visa at iba pa.
Samantala isa umanong hamon sa hanay ng PNP Santiago na mapabilang sa mga lungsod na may pinakamataas na kaso ng krimen kaya’t patuloy pa nilang paiigtingin ang kanilang kampanya upang mapanatili ang kaayusan ng lungsod ng Santiago.