Pagkaantala sa pag-apruba ng kasunduang pagbili ng mga pribadong sektor at LGU sa COVID-19 vaccines, pinaiimbestigahan sa Kamara

Pinapakilos ni House Economic Affairs Committee Chairman at Ang Asosasyon Sang Mangunguma Nga Bisaya-OWA (AAMBIS-OWA) Partylist Representative Sharon Garin ang Kamara para imbestigahan ang umano’y pagkaantala sa pag-apruba ng gobyerno sa “Multi-Party Agreements” (MPAs) para sa pagbili ng mga lokal na pamahalaan at pribadong sektor ng COVID-19 vaccines.

Mula sa inihaing House Resolution 2154, inaatasan ni Garin ang pinamumunuang komite na siyasatin ang naturang usapin lalo na’t mahalaga ito upang mapabilis ang COVID-19 vaccination, higit lalo sa mga rural areas at pribadong sektor at para na rin makamit ang target na “herd immunity” sa gitna ng presensya ng mga variant ng COVID-19.

Tinukoy ni Garin sa kaniyang resolusyon na maraming Local Government Unit (LGU) at nasa 300 na pribadong kompanya ang mga nakinabang at lumagda sa kasunduan sa pamamagitan ng Department of Health (DOH) at National Task Force (NTF) upang makabili ng mga bakuna.


Subalit, may mga ulat na ang isinumiteng MPAs ng private sector at LGUs na bigo pa ring malagdaan ito ng NTF kaya’t ito ay nabibitin at nakaaapekto na sa pag-usad ng bakunahan.

Sinita rin ni Garin ang pahayag ng pinuno ng NTF na si Vaccine Czar Carlito Galvez Jr., na huwag na raw maghain ang mga LGU sa pag-apruba ng MPAs kung saan ay malinaw na taliwas ito sa Republic Act (RA) 11525 o COVID-19 Vaccination Program Act of 2021.

Giit ni Garin, kailangan ngayon ng transparency at iba pang mahahalagang impormasyon mula sa pamahalaan ukol sa COVID-19 vaccination rollout sa bansa kasama ang mga probinsya at pribadong sektor.

Facebook Comments