Pagkakaapruba sa bicam ng pagtataas ng edad sa statutory rape, makasaysayan ayon sa isang kongresista

Tinawag na makasaysayan ni Gabriela Partylist Rep. Arlene Brosas ang pagkakaapruba sa Bicameral Conference Committee ng panukala na nagtataas sa edad ng statutory rape sa 16 na taong gulang.

Inilarawan ni Brosas na isa ngang “historical advance” ang krusadang ito ng paglaban sa karapatan ng mga kababaihan at kabataan lalo’t ngayong buwan ng Nobyembre ay ginugunita ang Children’s month.

Natugunan na aniya ang ilang dekada nang butas sa batas at isa itong commitment ng bansa sa pagsunod sa itinatakda ng international conventions para sa women at children’s rights.


Hindi na rin aniya maituturing ang Pilipinas na bansang may pinakamababang edad ng statutory rape sa buong Asya.

Sa oras na maging ganap na batas ang panukala, ituturing na rape ang pakikipagtalik ng isang adult sa menor de edad na 16 anyos pababa, ito man ay consensual o hindi.

Ina-adopt din ang “Romeo and Juliet” clause kung saan wala namang criminal liability kapag ang magkarelasyon ay may age gap na hanggang tatlong taon.

Facebook Comments