Manila, Philippines – Itinuturing na malaking pagkakamali para sa isang kongresista ang ginawang rejection ng makapangyarihang Commission on Appointments kay Department of Agrarian Reform Secretary Rafael Mariano.
Ayon kay Anakpawis PL Rep. Ariel Casilao, “grave mistake” at disaster na maituturing para sa mga magsasaka ang pagbasura sa kumpirmasyon kay Mariano.
Paliwanag ng mambabatas, maihahalintulad sa mga nakalipas na administrasyon ang sasapitin ng mga magsasaka kung walang kaalyado ang mga ito mula sa gabinete ni Pangulong Rodrigo Duterte kung saan mas pinapaboran ang interes ng mga mayayamang may-ari ng lupa at monopolyo ng mga dayuhan.
Maituturing din aniya na mahalaga ang posiyon ni Mariano sa usapang pangkapayapaan sa pagitan ng pamahalaan at ng National Democratic Front of the Philippines.
Si Mariano lamang din aniya ang nagsusulong ng genuine agrarian reform sa pamamagitan ng pamamahagi ng libre sa mga lupain.
Iginiit din ng mambabatas na hindi maituturing na democratic process ang nangyari kay Mariano dahil sa hindi man lamang gumawa ng hakbang ang Pangulo upang isalba sa kanyang mga kaalyado sa CA na kumpirmahin ang appointment ni Ka Paeng.