Pagkakadakip ng militar kay NPA leader Myrna Sularte, ikinalugod ni VP Sara Duterte

Pinapurihan ni Vice President Sara Duterte ang pagkakadakip ng 4th Infantry Division ng Philippine Army sa Cagayan de Oro kay New People’s Army (NPA) leader Myrna Sularte alyas “Ka Maria Malaya.”

Ayon kay VP Sara, si Sularte ay naging pasakit sa maraming mga Pilipino lalo na sa Mindanao sa mahabang panahon.

Tinukoy ng pangalawang pangulo ang aniya’y hindi mabilang na mga biktima ng pagpaslang, pagdukot, torture at pananakot ng mga sibilyan, gayundin ang pag-armas sa mga menor de edad.

Naniniwala naman si VP Sara na ang pagkakadakip ng militar kay Sularte ay simula ng panibagong yugto para sa mga komunidad na dumanas ng kalupitan mula sa kamay ng CPP-NPA-NDF.

Sa kabila nito, nagbabala si VP Sara sa nagpapatuloy na banta ng terorismo sa bansa sa pamamagitan ng aniya’y mga kasapi ng insurhensiya na ngayon ay bahagi ng burukrasya.

Bunga nito, dapat aniyang maging mapagmatyag ang publiko laban sa terorismo at kriminalidad.

Dapat din aniyang lumaban at tuluyang ibagsak ang CPP-NPA-NDF.

Facebook Comments