Siniguro ng Philippine National Police (PNP) na hindi nila babalewalain ang impormasyong binunyag ng mga testigo sa Senate hearing kahapon tungkol sa kontrobersyal na e-sabong.
Ginawa ni PNP Public Information Office Chief PBGen. Roderick Augustus Alba ang pagtiyak matapos idawit ng apat na testigo ang dalawang pulis sa umano’y pagdukot sa ilang nawawalang sabungero.
Sinabi ni Alba na kailangang i-validate ng PNP ang mga impormasyon ibinigay ng mga testigo para matiyak na masusunod ang due process.
Nagpahayag naman ng kumpiyansa si Alba na lalabas din ang katotohanan sa kaso ng mga nawawalang sabungero.
Kasabay nito, paalala muli ni Alba sa lahat ng miyembro ng PNP na istriktong ipinagbabawal ni PNP Chief PGen. Dionardo Carlos ang anumang uri ng sugal sa mga pulis.
Aniya, mahaharap sa matinding parusa ang sinumang pulis na mahuling sumuway sa bilin ng PNP chief.