Pagkakahati sa pulitika, ipinasasantabi ng ilang kongresista sa pagpanaw ni dating Pangulong Noynoy Aquino

Nakiusap ang ilang kongresista na iwasan na muna ang pagkakaiba-iba ngayong namayapa na si dating Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III.

Ayon kay Agusan del Norte Rep. Lawrence Fortun, ang pagpanaw ni PNoy ay hindi isang okasyon para maging partisan o pagkakahati-hati sa pulitika.

Aniya, ito ay panahon para magnilay at gunitain ang buhay ng dating Pangulo.


Sinabi ni Fortun na tulad ng ibang halal na Presidente, si PNoy ay Pangulo ng buong sambayanang Pilipino.

Para naman kay Deputy Speaker Bernadette Herrera, hindi ito ang oras para magdebate kung papaano siya namuno bilang lider ng bansa.

Katunayan aniya, ang mga programa, polisiya, at proyekto na sinimulan ni PNoy ay naipagpapatuloy hanggang ngayon.

Samantala, hiniling ni dating Speaker at Taguig-Pateros Rep. Alan Peter Cayetano sa mga Pilipino na patuloy na ipanalangin ang pamilyang Aquino na dumaranas ng bigat sa pagpanaw ng kanilang kapamilya.

Tinukoy pa ni Cayetano na maaalala niya si PNoy bilang kaibigan at colleague sa Kamara at Senado.

Magkasama aniya silang nagtrabaho para sa reporma bagama’t may pagkakataong hindi nagkakasundo ay batid ng kongresista na nais lamang ni PNoy ang “best” at interes ng bansa.

Facebook Comments