Pagkakaisa at pang-unawa, apela ng PNP sa publiko ngayong pinalawig pa ang MECQ sa NCR

Umaapela si Philippine National Police (PNP) Chief Police Gen. Guillermo Eleazar sa publiko na sundin pa rin ang minimum health standards gayundin ang quarantine protocols.

Ito ay matapos na bawiin ang pagpapatupad ng General Community Quarantine (GCQ) sa Metro Manila at sa halip ay pinalawig pa ang Modified Enhanced Community Quarantine (MECQ) simula ngayong araw.

Ayon kay PNP Chief, sa harap ng patuloy na pagdami ng kaso ng COVID-19 sa bansa, kailangan ng pagkakaisa at malawak na pang-unawa para maitawid ang seryosong hamon ng pandemya.


Kasunod nito, iniulat ni Eleazar na humigit kumulang 9,000 pulis ang kasalukuyang nagmamando sa 942 Quarantine Control Points (QCPs) sa bansa kung saan ay halos 1,000 pulis naman dito ang nagmamando sa mga QCPs sa Metro Manila.

Aabot naman sa 158,271 ang kabuuang bilang ng mga nasita dahil sa paglabag sa minimum public health safety sa Metro Manila mula Agosto 21 hanggang Setyembre 7.

Facebook Comments