Naniniwala si Department of National Defense (DND) Secretary Carlito Galvez Jr., na dapat ay iisa ang paninindigan ng mga miyembro ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) sa harap ng mga banta sa seguridad sa karagatan.
Sa kanyang talumpati sa Maritime Security Symposium na pinangunahan ng Philippine Navy sa Taguig City sinabi ni Secretary Galvez na dapat ay tingnan din ang maritime security bilang pampaunlad sa ekonomiya na pakikinabangan ng 10 bansang kasapi ng ASEAN.
Ito ay ang Brunei, Cambodia, Indonesia, Myanmar, Laos, Malaysia, Philippines, Singapore, Thailand, at Vietnam.
Paliwanag ni Galvez na kabilang sa hamon ng maritime security ay ang pinag-aagawang South China Sea.
Inaangkin kasi ng China ang malaking bahagi ng karagatan kahit sakop ng Exclusive Economic Zone (EEZ) ng Pilipinas at nakabatay sa 2016 tribunal ruling.
Kasama rin sa territorial dispute ang mga bansang Brunei, Vietnam at iba pang bansang kasapi ng ASEAN.
Kaugnay nito ay kinukumbinsi na ni Pangulong Bongbong Marcos ang ASEAN Leaders na magkaroon ng Code of Conduct sa South China Sea.