Pagkakakilanlan ng ‘persons of interest’ sa kaso ng pagpatay kay Percy Lapid, tinutukoy na ng Task Force Lapid

Nakatutok ngayon ang Task Force Lapid sa pagtukoy sa pagkakakilanlan ng ‘persons of interest’ sa kaso ng pagpatay sa mamamahayag na si Percy Lapid.

Ayon kay Southern Police District Deputy Director for Operations Police Col. Restituto Arcangel, dalawang CCTV footage na ang pinag-aaralan nila para matukoy ang identity ng dalawang lalaking sakay ng motorsiklo na nakitang namaril kay Lapid.

Bukod diyan, sampung CCTV footage pa ang sisilipin ng task force.


Sabi ni Arcangel, oras na matukoy ang pagkakakilanlan ng mga suspek ay magiging madali na para sa kanila na matukoy ang motibo sa krimen.

Sa ngayon kasi, hindi pa rin makuhanan ng mga pulis ng statement ang pamilya ng biktima na kasalukuyang nagluluksa.

Samantala, batay sa inisyal na imbestigasyon ng task force, lumalabas na planado ang pagpaslang kay Lapid.

“Yung sa initial na tiningnan namin na CCTV ay maayos naman ang pagbiyahe niya. Hindi naman pwede na road range ito. So, bigla na lang lumutang yung dalawang suspek at talagang makikita naman na talagang binarily ang biktima. Lumalabas na alam nila yung routine ng biktima at kung saan nila pwedeng isagawa yung krimen nila,” ani Arcangel sa interview ng RMN Manila.

Facebook Comments