Cauayan City, Isabela- Pagkakalbo ng kabundukan ang isa sa nakikitang dahilan sa mga nangyayaring aksidente sa daan sa ilang bahagi sa Lalawigan ng Cagayan.
Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay Mayor Joan Dunuan ng Baggao, Cagayan, inihalimbawa nito ang nangyaring trahedya sa pagkakahulog ng isang ambulansya sa bangin na maghahatid sana ng pasyente sa Cagayan Valley Medical Center sa Tuguegarao City noong Linggo ng hapon sa Barangay Bitag Grande ng naturang bayan.
Bagamat naisugod sa ospital ang apat na lulan ng ambulansya kabilang ang drayber ay tuluyan din na binawian ng buhay ang pasyente (mister) at misis nito dahil sa mga natamong sugat sa iba’t-ibang bahagi ng kanilang katawan at ulo.
Ayon kay Mayor Dunuan, dumeretso sa bangin ang ambulansya na may lalim na 10 talampakan dahil hindi nakayanan ng preno ang maputik at madulas na daan dahil sa mga lupang nanggagaling sa kabundukan.
Dahil na rin aniya ito sa pagkakalbo ng kabundukan na kung saan ay halos mga mais ang nakatanim dito kaya’t sa tuwing tag-ulan ay nagiging maputik ang mga lansangan.
Naulila ng mag-asawang sina Violet Dumayag, 50 anyos at Alvaro Dumayag (patient), 52 anyos ng Barangay Hacienda-Intal, Baggao, Cagayan ang apat nilang anak na ilan sa mga ito ay nag-aaral pa lamang.
Bibigyan naman ni Mayor Dunuan ng scholarship ang mga naulilang nag-aaral na anak.