Pagkakalusot sa immigration ng pasaherong may warrant of arrest, ini-imbestigahan na ng DOJ

Nag-iimbestiga na ang DOJ sa viral post sa social media ng negosyanteng si Xian Gaza matapos itong magmalaki sa pagkakapuslit niya palabas ng bansa sa kabila ng tatlong warrant of arrest sa Pilipinas

Ayon kay Justice Spokesman Usec. Markk Perete, iniimbestigahan na nila ang naging post ni Gaza at inatasan na rin ang Bureau of Immigration na alamin ang katotohanan dito.

Sa post ni Gaza sa kanyang facebook page , ipinagyabang nito na nagawa niyang takasan ang mga tauhan ng Bureau of Immigration sa NAIA noong September 30, 2018 kahit pa may kinakaharap siyang warrant of arrest.


Ayon kay Gaza, tatlong ticket ang binili niya para sa magkakaibang flights at isa dito ay biyahe Singapore, Taipei at Hong Kong.

Nag-check-in aniya sa  online para sa kanyang dalawang decoy o pekeng flights at hinintay na magsara ang ang check-in counters bago nag-check-in patungong Hong Kong.

Ayon pa kay Gaza, nakalusot siya sa Immigration Counter dahil wala namang Hold Departure Order laban sa kanya.

Sa naturang post, sinabi ni Gaza na inaayos na rin niya ang pagkuha ng bagong identity at bagong citizenship sa isang Latin Amecian Country.

Si Gaza ay una nang inaresto  noong April12, 2018 dahil sa pagkakasangkot sa investment scam at paglabag sa Bouncing Checks Law pero agad din nakalaya matapos magpiyansa.

2017 nang maging kontrobersyal si Gaza dahil sa malaking billboard nito na nag-iimbita ng date sa aktres na si Erich Gonzales at movie date kay Myrtele Sarrosa noon ding 2017.

Facebook Comments