Pagkakaroon ng bagong “selected stops” para sa mga sasakyang UV express, dapat pag aralan ng LTFRB – Lawyers for Commuters Safety and Protection

Hinimok ng Lawyers for Commuters Safety and Protection o LCSP ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board na pag-aralan ang pagkakaroon ng bagong “selected stops” para sa mga sasakyang UV express.

 

Ito ay sa harap ng pagiging Point 2 Point o P2P na ng operasyon ng mga UV express unit, base sa bagong Memorandum circular ng LTFRB.

 

Ayon kay Atty. Ariel Inton, ang pangulo ng LCSP, mainam kung magdadagdag ng mga lugar sa Metro Manila kung saan uubra ang loading at unloading ng mga pasahero.


 

Paliwanag ni Inton, ito ay upang maiwasan ang cutting trips, at para na rin hindi maabala ang mga pasaherong araw-araw na parokyano ng UV express.

 

Paliwanag pa ni Inton, kung masyadong malayo ang terminal sa pinanggalingan at destinasyon ng mga pasahero, ang opsyon ng mga ito ay sumakay sa pampublikong jeepney na may mas matagal na biyahe; o kaya’y taxi o TNVs na mabilis nga ang biyahe pero mas mahal ang pamasahe.

 

Dagdag pa ni  Inton, ang UV express ay kinukunsiderang “premium mass ride”, na bumibiyahe ng mas mabilis at may maayos na serbisyo kumpara sa ibang pampublikong sasakyan.

 

Umaasa si Inton, na  maikunsidera ang pagkakaroon ng ilan pang selected stops, para na rin sa kapakanan ng mga mananakay.

Facebook Comments