Iginiit ni Negros Occidental Rep. Jose Francisco Benitez ang pagkakaroon ng Bagsakan ng Bayan markets sa bawat probinsya sa ating bansa para matulungan ang lokal na industriya at maiwasan ang pagkasayang o pagkasira ng mga produktong agrikultural.
Ang mungkahi ni Benitez ay nakapaloob sa inihain niyang House Bill 4303 bilang suporta sa pahayag ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., sa kanyang unang State of the Nation Address (SONA) na palalakasin ang sektor ng agrikultura at pataasin ang pamumuhunan sa bansa.
Diin ni Benitez, ang Bagsakan ng Bayan ang magiging lugar para sa mga magsasaka, mangingisda at katulad para mailako o mailapit ang kani-kanilang produkto sa mga wholesaler, retailer at institutional buyer sa tamang presyuhan.
Kapag ito ay naisabatas, magiging trabaho ng Department of Agriculture (DA) ang koordinasyon sa mga lokal na pamahalaan na magtatayo ng Bagsakan ng Bayan kung saan ibebenta ang mga produktong agrikultural.
Base sa panukala ni Benitez, sa pagsisimula ng implementasyon ng Bagsakan ng Bayan ay bibigyan ito ng pondong P25 billion at sa mga susunod na taon ay isasama na ito sa budget ng DA.