Naniniwala si Committee on Health Chairman Angelina “Helen” Tan na higit na kailangan ngayon ng bansa ang pagkakaroon ng sariling Center for Disease Control and Prevention (CDCP).
Ang pahayag ng kongresista ay sa gitna na rin ng pagtaas ng Delta variant cases sa bansa at ang posibleng pag-usbong pa ng ibang sakit sa hinaharap.
Ayon kay Tan, katulad sa health systems ng ibang mga bansa sa mundo, nakitaan ng kakulangan maging ang bansa para tugunan agad ang mga hamon na hatid ng COVID-19 pandemic.
Paliwanag ng kongresista, ang pinakapuso ng panukalang batas ay lumikha ng measurable at time-bound modernization program na magpapalakas sa human health resource at magpapahusay sa pagtugon ng bansa sa disease prevention and control.
Sinabi pa ni Tan na sa ilalim ng CDCP ay gagawing makabago ang kakayahan pagdating sa kahandaan ng bansa sa public health emergency at palalakasin din ang mga ahensya na binigyang mandato para solusyunan ang communicable diseases sa bansa sa pamamagitan ng mga organizational at institutional reforms.
Magsisilbi rin ang CDCP na hiwalay na ahensya na nasa ilalim ng kontrol ng Department of Health (DOH) na sesentro sa pagpigil ng mga kumakalat na communicable o infectious disease.
Ito rin ang magpapatupad ng mga polisiya, magsasagawa ng surveillance at pag-aaral, disease control, prevention at response sa mga sakit na bigla na lamang umuusbong o iyong mga rapid o sudden onset health hazards and emerging diseases tulad ng Coronavirus.