Iminungkahi ni Ang Probinsiyano Party-list Rep. Alfred Delos Santos ang pagbuo ng isang inter-agency task force (IATF) na siyang magsisilbing “caretaker” ng mga pribadong paaralan na naghihingalo dahil sa epekto ng pandemiya.
Sabi ni Delos Santos, ang nasabing caretaker ay maaring pangunahan ng Securities and Exchange Commission katuwang ang Department of Education (DepEd), Commission on Higher Education (CHED), at Department of Labor and Employment (DOLE).
Suhestyon ito ni Delos Santos, kasunod ng biglang pagsasara kamakailan ng Colegio de San Lorenzo sa Quezon City.
Giit ni Delos Santos, hindi maaaring basta na lamang pabayaan na magsara ang mga paaralan dahil ang edukasyon ng mga mag-aaral ang maaapektuhan.
Ayon kay delos Santos, habang dumadaan sa corporate receivership o rehabilitasyon ang naapektuhan paaralan ay dapat itong aalalayan ng naturang ‘caretaker’ task force hanggang sa makabangon.
binanggit ni Delos Santos na makakatulong din kung papahintulutan ng DepEd at CHED na gamitin ang kanilang education service contracting funds upang isalba ang maliliit at medium-sized na mga pribadong paaralan.