Isinusulong ni House Committee on Ways and Means Chairman Joey Salceda na maisama sa bagong Bayanihan package ang tulong sa lokal na pamahalaan na walang kakayahang magkaroon ng cold storage facilities para sa mga bakuna.
Ayon kay Salceda, para matiyak na pantay ang access ng bakuna ay dapat matulungan ang mga mahihirap na Local Government Unit (LGU) na mabigyan din ng facilities para sa storage at tamang pag-administer ng mga bakuna lalo pa’t inaabangan na ang pagdating ng milyun-milyong doses ng Moderna at Pfizer COVID-19 vaccines.
Inaasahang darating ang 20 million doses ng Moderna vaccines at 40 million doses ng Pfizer vaccines bukod pa ito sa 13.3 million doses na Pfizer na darating ngayong Hulyo.
Paliwanag ni Salceda, napakamahal ng mga storage facilities kaya naman mahalagang matulungan ang mga lokal na pamahalaan na walang kakayahang makabili ng sarili nilang mga pasilidad.
Bukod dito ay pinabibilis din ni Salceda ang proseso ng pag-apruba ng loans ng mga LGU para makabili na rin sila ng sariling storage at administration facilities gayundin ng mga personnel.