Pagkakaroon ng data privacy sa paggamit ng body camera siniguro ng PNP sa CHR

Tiniyak ni Philippine National Police (PNP) Chief Gen. Guillermo Eleazar sa Commission on Human Rights (CHR) na may mga mekanismong ipatutupad ang PNP para pangalagaan ang data privacy sa paggamit nila ng mga body camera sa mga operasyon.

Ayon kay PNP Chief, pinagsama na sa isang technical working group ang mga alituntuning inilabas ng korte Suprema sa mga ginawang panuntunan ng PNP para matiyak ang data privacy.

Aniya, mismong ang Korte Suprema ang nagbigay ng pagpapahalaga sa data privacy sa kanilang inilabas na resolusyon kaugnay sa paggamit ng mga body camera.


Partikular na rito ang pag-iingat sa impormasyong makalap sa pamamagitan ng body camera.

Sinabi pa ni PNP chief, patuloy rin ang pakikipag-ugnayan ng PNP sa National Privacy Commission kaugnay rito.

Sa ngayon, may 2,696 na body cameras na ang naipamigay sa 171 na mga city police station sa buong bansa at madadagdagan pa ito sa mga susunod na taon.

Facebook Comments