Manila, Philippines – Naniniwala si Pangulong Rodrigo Duterte na malabong magkasundo ang pamahalaan at ang Communist Party of the Philippines, New Peoples Army, National Democratic Front o CPP-NPA-NDF.
Sa talumpati ni Pangulong Duterte sa PDP-Laban Campaign Rally sa Cagayan de Oro City ay sinabi ng Pangulo na hanggang panaginip na lang ang pag-asa na magkaraoon ng kapayapaan dahil maraming taon na ang lumipas at marami na ang sinubukang gawin para magkaroon ng kapayapaan pero wala paring nangyari.
Paliwanag ng Pangulo, 53 taon na ang lumipas at wala namang pinatunguhan dahil ang gusto lang aniya ng mga ito ay armed struggle o karahasan.
Sinabi pa ng Pangulo na dahil wala na itong pag-asa ay dalawa lang ang maaaring mangyari at ito ay maubos ang puwersa ng gobyerno o maubos ang puwersa ng NPA.
Matatandaan na noong nakaraang linggo ay inanunsiyo ni Pangulong Duterte na tuluyan nang puputulin ng gobyerno ang pakikipag-usap sa rebeldeng grupo.
Pero umiiral naman ang Executive Order Number 70 na nagpapahintulot ng pagkakaroon ng localized peace talks sa mga rebelde at bumubuo sa isang National Task Force na siyang magpapatupad ng National Peace Framework at magtutuldok sa local communist at armed conflict.