Hinimok ni Deputy Speaker Loren Legarda na makipag-ugnayan ng husto ang gobyerno sa Local Government Units (LGUs) sa buong bansa.
Iginiit ni Legarda na gawing localized ang immunization plan ng pamahalaan nang sa gayon ay maisaprayoridad ang mga “most vulnerable population” lalong-lalo na ang frontliners.
Ayon kay Legarda, sa local communities talagang nangyayari ang laban sa COVID-19 pandemic kaya’t mahalagang ang LGUs ay may sapat na kagamitan at may matatag na protective measures lalo pa’t nakumpirmang nakapasok sa bansa ang UK variant ng mas nakakahawang SARS-COV2.
Sinabi pa ni Legarda na hindi lamang dapat transparent ang gobyerno sa pakikipag-negosasyon sa iba’t ibang pharmaceutical companies kundi dapat ay batid din ng LGUs ang logistical preparations.
Pinaghahanda rin ng lady solon ang LGUs sa kanilang logistics tulad ng sapat na storage facilities ng COVID-19 vaccine gayundin ay pinatutukoy sa mga lokal na pamahalaan ang health professionals na sasanayin para sa vaccination program.
Mahalaga aniyang matuto ang Pilipinas sa problemang dinanas ng ibang mga bansa upang maiwasan ito at epektibong ma-i-roll out ng pamahalaan ang immunization plan.