Pinabubuhay ni San Jose del Monte City Representative Florida Robes ang mental health desks sa mga barangay sa ilalim ng Republic Act 11036 o ang Mental Health Act.
Ito ay bunsod na rin ng pagkabahala sa pahayag ng World Health Organization (WHO) sa pagdami ng mga taong dumaranas ng depresyon sa buong mundo dahil sa epekto ng COVID-19, kabilang pa dito ang social isolation, takot na mahawa ng sakit at pangamba sa pagkawala ng kita at trabaho.
Ayon kay Robes, dapat tutukan din ng mga lokal na pamahalaan ang mga kaso ng anxiety o depression sa gitna ng pandemya.
Iginiit din nito ang kahalagahan na maging bukas at palagian ang komunikasyon ng bawat pamilya at magkakaibigan.
Kaugnay nito, nanawagan din si Robes sa publiko na magbigay ng panahon at donasyon sa mga cause-oriented group gaya ng National Suicide Prevention Lifeline.