Kasunod ng adhikain ng pamahalaan sa mas mabilis na contact tracing.
Isinusulong ngayon ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang pagkakaroon ng manifesto o logbook sa mga pampublikong sasakyan.
Sa Laging Handa public press briefing, sinabi ni LTFRB Chairman Atty. Martin Delgra III na kasama ito sa safety protocols na inilatag ng Department of Transportation (DOTr).
Ayon kay Delgra, oobligahin ang mga bus at modern jeepney operator na maglagay ng passenger’s logbook sa kani-kanilang mga sasakyan upang doon isusulat ng mga pasahero ang kanilang pangalan, cellphone number at iba pang personal details para kung saka-sakaling may mag-positibo na isa sa mga pasahero sa COVID-19 ay mas madali ang paghahanap sa mga nakasalamuha nito.
Sa kabilang banda, umaapela rin ang LTFRB sa mga pasahero na isulat din ang detalye ng kanilang byahe, kung saan sila sumakay, anong petsa at plaka ng sasakyan na kanilang sinakyan.
Kasunod nito, hinihikayat ng ahensya ang mga taxi na mag-book ng pasahero nila tulad ng mga Transportation Network Vehicle Service (TNVS) para mas madaling makita ang travel history.
Sa ganitong paraan, ayon kay Delgra, mas mapapabilis ang contact tracing lalo na sa mga lugar na sakop na ngayon ng General Community Quarantine (GCQ) na balik-operasyon na ang mga pampublikong sasakyan at ipatutupad din aniya ito sa Metro Manila at sa iba pang lugar sa bansa kapag nagbalik na ang public transportation.