Inirekomenda ni Ways and Means Chairman Joey Salceda sa mga bangko na magkaroon ng sistema na titiyak na tanging sa mga “registered devices” lamang makakapag-withdraw o transfer ng pera.
Kasunod ito ng pagkaalarma ng mambabatas na mahigit 20 mga public school teachers ang nabiktima ng “phishing” scam gamit ang kanilang mga accounts sa LandBank of the Philippines.
Ayon kay Salceda, mukhang gumagamit ang mga scammers ng ibang devices para maisagawa ang mga hindi otorisadong transaksyon mula sa account na kanilang bibiktimahin papunta sa ibang bank accounts.
Payo ng mambabatas sa mga bangko, magkaroon ng sistema kung saan lilimitahan ang “access” sa remote banking accounts sa mga “devices” o “gadgets” na inirehistro ng account holder sa bangko.
Ibig sabihin, kung anong cellphone o computer na gamit ng account holder sa kanyang mga online banking transactions ay iyon lamang ang papayagan na makapag-transfer o withdraw ng funds.
Pinare-review din ng mambabatas ang identification requirements sa mobile banking applications upang matiyak na mismong account holder o iyong may-ari ng bank account talaga ang gumagamit nito.
Hiniling naman ni Salceda sa LandBank na ibalik sa mga biktima ng scam ang perang nawala lalo na kung mapatunayan sa imbestigasyon na kasalanan nila o may pagkukulang sila para protektahan ang accounts ng kliyente.