Pagkakaroon ng ‘special units’ na hahawak sa mga kaso ng Monkeypox, hiniling na itatag sa bawat ospital

Isinusulong ni Senator Nancy Binay na magkaroon ng special units sa bawat pagamutan na tututok sa sakit na ‘Monkeypox’.

Binigyang-diin ng senadora na sa nakalipas na health situation sa ilalim ng COVID-19 pandemic ay nakita ang kakulangan ng bansa sa pandemic response kaya naman ngayon ay dapat matiyak ng Department of Health (DOH) at Department of the Interior and Local Government (DILG) na handa ang pamahalaan sa paghawak sa mga bagong emergency situation.

Tinukoy ni Binay na wala pang home-test kits para sa Monkeypox pero may kakayahan naman ang Research Institute for Tropical Medicine (RITM) na ma-detect ang virus.


Bukod sa pagtatalaga ng special units sa bawat ospital ay dapat aniyang palakasin din ang clinical management, coordination, treatment, vaccination capacity at iba pang kailangan upang maiwasan ang pagkalat ng sakit.

Pinakikilos din ni Binay ang DOH na paigtingin ang pagmo-monitor upang maiwasan ang ‘undetected transmission’ ng Monkeypox at pinarere-activate rin sa DILG ang kanilang emergency hotlines para muling pag-aralan ang local-level coordination sa mga lokal na pamahalaan.

Facebook Comments