Pag-aaralan ng mga city legal officer ang existing laws upang makahanap ng angkop na basehan sa parusang ipapataw sa mga indibidwal na mapapatunayang sangkot sa pagbebenta ng COVID-19 vaccine at vaccination slot.
Pahayag ito ni Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Chairman Benhur Abalos, makaraang sumuko ang suspect sa umano’y bentahan ng vaccination slot sa Mandaluyong City kahapon.
Aniya, nagpulong ang mga National Captial Region (NCR) mayors upang pag-usapan kung dapat pa bang magpasa ng uniform ordinance laban dito.
Napagkasundaan aniya na pag-aralan muna ang mga national law, lalo’t nariyan na rin ang ibang batas na posibleng sumakop sa usaping ito, tulad ng Bayanihan Act, kung saan nakapaloob ang kaparusahan ng mga magti-take advantage sa COVID-19 pandemic.
Ayon kay Chair Abalos, sa kaparehong pulong, nagkaisa rin ang mga alkalde na panatilihin muna ang umiiral na 10pm-4am curfew sa Metro Manila.
Suportado rin ng mga alkalde ang dahan-dahang pagbubukas ng negosyo o pagdaragdag ng business activities at ipinauubaya na aniya nila sa Department of Trade and Industry (DTI) at Department of Tourism (DOT) ang desisyon dito.
Habang suportado rin ng mga ito ang pagpayag sa hanggang 50% ng religious activities sa NCR.